31/08/2026
111 years
πππ-ππ¬π΄ ππ‘ππππ₯π¦ππ₯π¬π’ π‘π ππ₯ππͺ π‘π πππ£ππ‘πππ‘ππππ‘ π‘π ππ’π π π’ππ’π₯π π₯ππ π’π‘ ππππππ‘ πππππ₯ππ
Agosto 31, 1915
Sa araw na ito, sa nayon ng Parulan
doon po sa amin, sa Quingua na bayan
isinilang 'sang bunga ng pagmamahalan
nina Domingo Alcaraz at Maxima Abacan
ang sanggol na lalaking tuwa ng tahanan
Ramon Alcaraz ang siyang ipinangalan
Bagamat lumaki na mulat sa kasalatan
si Ramon ay nangarap buhat pa ng kamusmusan
nagsikap na umalpas mula sa kahirapan
angkin niyang talino'y sandatang tangan-tangan
ang kaniyang pag-aaral ay siyang pinagbutihan
sa PMA ay kadete, nang ang baya'y paglingkuran
Offshore Patrol, pinili nang walang alinlangan
'pagkat aniya'y Pilipinas naliligiran ng karagatan
magmula noon pa ma'y tumatak na sa isipan
matatag na hukbong dagat ating kinakailangan
nang lupang minamahal, mapaunlad, maprotektahan
sa ganito aniya, matatamo ang kagitingan
Taong 1941 nang sumiklab ang digmaan
pulang araw'y nagpadilim ng sangkapuluan
si Ramon ay walang iming nagpamalas ng katapangan
sa dagat ay pinabagsak, eroplano ng dayuhan
Silver Star Medal, siya ay ginawaran
ang Q-112 Abra sampu ng kaniyang kasamahan
Ngunit sa Paombong ay nabihag kapagkuwan
dinala sa Malolos na panlalawigang piitan
ang mga Hapon ay kaniyang kinaibigan
nang kapwa bilanggo'y kanyang mapangalagaan
tinulunga't dinamayan ng Gobernador at kababaihan
at sa Capas kalauna'y pinagkalooban ng kalayaan
Ang kaniyang pagtindig ay 'di lamang sa karagatan
'pagkat s'ya ri'y isang gerilya doon sa kabundukan
pinalaya ang Bigaa, Guiguinto't Plaridel na bayan
at nagbalik sa Hukbong Dagat matapos ang digmaan
BRP Alcaraz, barkong pandigmang sa kaniya'y pinangalan
nagbabantay, nagtatanggol, hanggang sa kasalukuyan!
Mabuhay ang bayani ng Hukbong Dagat ng Pilipinas na nagpamalas ng kagitingan hindi lamang noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig kundi maging matapos ang digmaan. Ang kaniyang kabayanihan ay nagpapatuloy sa anyo ng barkong pandigmang ipinangalan sa kaniya na hanggang ngayon ay nagpapatrolya sa karagatan ng Pilipinas upang ipagtanggol ang ating teritoryo laban sa mga dayuhan.
Mabuhay ka Monching! Isang tunay na bayaning Plaridelenyo, Bulakenyo, at Pilipino! π΅π
Abangan ang dokumentaryo ukol sa kaniyang kabayanihan na pinamagatang "Sa Dagat at Bundok", opisyal na kalahok sa 5th Sineliksik Bulacan Docufest ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan. Maglalayag na ngayong Setyembre! π
[Pintang larawan mula sa Farola Museum]