11/08/2026
KUYA BILL
ni dayuhan.
Oo, gusto namin ng lupa pero hindi yung dumadaloy sa tubig,
Animo’y inuming tsokolateng mura at sulit,
Serbisyo pa bang maituturing kung lumalabas sa gripo ay putik,
Sa tagal ng arakangda ng negosyo hindi ba naisip?
Solusyonan, aksyonan, problemang lumalabas pag tag-ulan,
May pamantayan sa pagputol at paglaglag ng resibo,
Pero pag serbisyo usapan bara-bara ang kilos,
Buti nalalawayan pa ang unan?
Gusto naming tumulong pero hindi yung sapilitan,
Tamang iahon ang mahirap pero wag kami ang apakan,
Patay-sindi na nga kala mo ilaw pampasko,
Negosyante talaga, pinalalakas konsumo.
Kuya Bill, tama na! Sana mabuksan ang iyong mata,
Paki-sabayan naman ng serbisyo ang pagkapal ng ‘yong bulsa,
Ipon namin ubos na! Butas na ang alkansya!
Kuya Bill, tao ka nga bang talaga?