01/08/2026
𝗝𝗼𝘂𝗿𝗻𝗮𝗹𝗶𝘀𝗺 𝗧𝗿𝗮𝗶𝗻𝗶𝗻𝗴 𝗜𝘀𝗶𝗻𝗮𝘀𝗮𝗴𝗮𝘄𝗮 𝘀𝗮 𝗧𝗮𝗹𝗶𝗽𝗮𝗽𝗮 𝗘𝗹𝗲𝗺𝗲𝗻𝘁𝗮𝗿𝘆 𝗦𝗰𝗵𝗼𝗼𝗹 𝗕𝗶𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗴𝗵𝗮𝗵𝗮𝗻𝗱𝗮 𝘀𝗮 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀 𝗖𝗼𝗻𝗳𝗲𝗿𝗲𝗻𝗰𝗲
CABANATUAN CITY, Nueva Ecija—Bilang paghahanda sa nalalapit na School Press Conference, nagsagawa ng journalism training ang Talipapa Elementary School sa pagtutulungan ng Community Extension and Outreach Program (CEOP) at Heritage and Internationalization Office ng Manuel V. Gallego Foundation Colleges, Inc. (MVGFCI), na naglalayong hasain ang kakayahan ng mga batang mamamahayag sa iba't ibang larangan ng pamamahayag.
Inimbitahan bilang mga tagapagsanay sina Frederick Manalastas, Technical Assistant ng Community Extension and Outreach Program, at Camille Torres, Technical Assistant ng Heritage and Internationalization Office, sa pamumuno at paggabay ni Rene Boy Abiva, Director ng dalawang tanggapan. Ang pagsasanay ay bahagi ng patuloy na pakikipagtuwang ng kolehiyo sa mga paaralan upang mapaunlad ang kakayahan ng mga mag-aaral sa pagsusulat at paghahanda sa mga kompetisyong pampahayagan.
Pinangunahan ni Manalastas ang pagsasanay sa Editorial Writing at Column Writing, kung saan ibinahagi niya ang mahahalagang prinsipyo sa pagsulat ng mapanuring editoryal at makabuluhang kolum. Binigyang-diin din niya ang wastong pagbuo ng argumento, paggamit ng ebidensya, at malinaw na pagpapahayag ng pananaw bilang mahahalagang kasanayang kinakailangan sa kompetisyon.
Samantala, tinutukan naman ni Torres ang News Writing, kung saan ginabayan niya ang mga kalahok sa tamang pagsulat ng balita gamit ang inverted pyramid, wastong pagbuo ng lead, at pagsunod sa pamantayan ng katumpakan, balanse, at obhetibidad sa pamamahayag.
Magpapatuloy ang journalism training sa susunod na Biyernes sa pangunguna ni Rene Boy Abiva, na magsisilbing tagapagsanay sa Feature Writing. Inaasahang higit pang mapauunlad ng mga kalahok ang kanilang kasanayan sa malikhaing pagsulat at pagkukuwento bilang bahagi ng komprehensibong paghahanda ng paaralan para sa nalalapit na paligsahan.
Sa pamamagitan ng patuloy na pagtutulungan ng Talipapa Elementary School at Manuel V. Gallego Foundation Colleges, Inc., inaasahang mas magiging handa at kumpiyansa ang mga batang mamamahayag sa pagpapamalas ng kanilang husay sa larangan ng campus journalism.